Ipinagkait ni Malaysian Kimberly Yap Fui Li ang gintong medalya sa Pinay sa bilis na 2:14:39:60 oras.
Nakuntento na lamang sa silver medal ang taga-Bacolod na si Araullo sa kanyang 2:15:59:87 at bronze naman ang Singaporean na si Xynil Alisa.
Samantala, pinulikat naman ang kababayang si Ana Karina De Leon sa kalagitnaan ng finish line sa huling yugto ng event.
"Sa swimming pa lang ay alam kong makakaungos siya (Yap), pero malakas ang loob kong malamangan ko siya sa biking at running, sayang dahil kinapos ako ng oras." wika ni Araullo sa PSN.
Sa opisyal na statistics ng womens final triathlon, naging bentahe ni Yap ang husay nito sa swimming kung saan ay naitala nito ang 19:04 minuto laban sa 22:40 minutong naitala kay De Leon upang tuluyang iwan ang Pinay triathlete sa distansyang 3:32 minuto.
Gayunman nakalamang ng oras si Araullo sa biking at running ngunit hindi ito naging sapat upang maiwanan si Yap sa finish line.
Sasabak naman ngayong araw ang Pinoy triathletes sa pangunguna nina Fil-Am Arlan Macasieb at Noel Salvador, dating national champion sa mens division ng final triathlon event. (Jeff Tombado)