Sinisid ng 19 anyos na Davaoeña na si Perez ang gold sa 1m springboard gold medal at maging kauna-unahang Pinay na nakatatlong gintong naisusukbit.
Bagamat may mali sa unang pagtatangka niyang magdive, bumalikwas ang Davaoeña sa kanyang dive na tinampukan ng reverse 1 1/2 summersault, 1 1/2 twist free position para maungusan ang mahigpit niyang karibal na si Leong Mun Yee ng Malaysia para sa gold.
Abante agad ang magandang Malaysian sa unang apat na dives at humataw pa hanggang 8 puntos sa isang ikot bago ang huling tangka para sa silver medal na may 266.34 puntos.
Inangkin naman ni Sari Ambarwati ng Indonesia ang bronze sa kanyang 229.74 puntos.
"Maka-silver lang ako puwede na," umiiyak na pahayag ni Perez, na ang unang gold ay sa 3m springboard synchronized kasama si Ceseil Domenios at 3m springboard.
"Ayokong biguin ang aking nanay at mga kababayang sumusuporta sa akin , kaya nasabi ko sa sarili ko na kailangang talunin ko itong Malaysian," dagdag pa niya.
Ngunit hindi naging sapat ang panalong ito ni Perez para maisalba ang Pinas sa karera para sa overall diving title nang talunin ng Malaysian na si Bryan Nickson si Fabriga sa 10M platform.
Nakuntento na lamang ang Philippines sa second overall na may limang ginto, 1 silver at dalawang bronzes kumpara sa limang gold, 3 silvers at 2 bronze ng Malaysia habang ikatlo ang Thailand, na may 3 silvers at limang bronzes. (Lawrence John Villena)