Nagpakita na ng kanyang tunay na porma ang Fil-Am na si Riza Zalameda nang igupo nito ang Vietnamese na si Viet Ha Ngo, 6-1, 7-5 habang dinurog naman ng isa pang Fil-Am na si Denise Dy si Kyi Mya Zaw ng Myanmar, 6-1, 6-3 at umusad sa quarterfinal round.
Sa kalalakihan, nanalasa din si Eric Taino nang ilampaso nito ang kalaban na si Vientay Thepsou-vanh ng Laos para makasulong din sa quarterfinals.
Nakatakda namang lumaban ang kababayang si Cecil Mamiit ngayon kontra kay Zaw Zaw Latt ng Myanmar sa first round.
Matapos manalasa sa first round, nahaharap sa mas malakas na kalaban sina Zalameda at Dy sa Final Eight kung saan makakaharap ni Zalameda ang top seed na si Suchanan Viraprasert at si Dy naman laban sa No. 2 na si Wynne Prakusya ng Indonesia.
Si Prakusya ang defending champion na tumalo kay Zalameda nang una silang magharap noong Linggo, 6-1, 6-1 sa team competition kung saan nakamit ng Indonesia ang gintong medalya.
"As long as I give my best and play hard out there, anything can happen," tanging wika ni Zalameda. (Sarie Francisco)