Pangungunahan ni Marcus Valda, double gold medalists sa Vietnam SEA Games noong 2003, ang kampanya ng Pambansang koponan sa tatlong araw na kompetisyon kung saan nakataya ang 12-golds.
Katulong ni Valda sina Ma. Christina Villanueva at Melchor Tumasis na nagsubi din ng gold sa nakaraang edisyon ng biennial meet kung saan dinomina ng Vietnam ang naturang event sa pagkopo ng 18 sa kabuuang 22-golds.
Nakataya ang anim na golds ngayong araw kung saan makikipaglaban sina Villanueva sa 48kgs. At Gemma Silverio sa 55kgs. category sa womens division.
Sasabak sa mens division si Valda sa 84kgs. kasama sina Tumasis sa 55kgs. category, Michael Baletin na nais higitan ang kanyang silver medal finish noong 2003 SEAG sa 66kgs. category, at Francis Villanueva sa 120kgs. category.
Ang iba pang miyembro ng RP wrestling team na nais higitan ang apat na gintong produksiyon sa Vietnam ay sina Margarito Angana (55kgs.), Jimmy Agana (60kgs.), Maribel Jambora (48kgs.), Belinda Lapuente (51kgs.) at Cherry Matriz.
Samantala, magsisimula na rin ang aksiyon sa squash competition sa Makati Sports Club para sa men at womens singles competition. (C V. Ochoa)