Sa wakas, naka-gold na rin

Naibsan na rin sa wakas ang pagka-uhaw ng Philippines sa tennis gold sa SEA Games makaraang igawad ng Philippine men’s team, na binanderahan ng mga Fil-Ams na sina Cecil Mamiit at Eric Taino, ang gintong medalya at agawin ang korona sa Indonesia sa men’s team event na ginanap sa dinayong Rizal Memorial Center.

Sa harap ng nagbubunying manonood na kinabibilangan ni First Gentleman Mike Arroyo, kapwa pinaluhod nina Mamiit at Taino ang kalabang Thais sa singles event para sa unang gintong medalya ng tennis sa biennial meet.

Huling naka-gold ang tennis noong 1999 sa Brunei SEA Games mula kay Maricris Fernandez sa women’s singles.

Ibinigay ni Taino ang unang puntos sa pamamagitan ng 3-6, 6-4, 6-3 panalo kay Suwandi na sinundan ng panalo ni Mamiit, 6-1, 6-2 kay Simpatiaji.

Nakakabinging palakpakan at masayang hiyawan ang dumagundong sa Rizal Tennis Center nang samahan ng magkatambal na Johnny Arcilla at Patrick John Tierro sina Mamiit at Taino habang iwinawagway ang Pambansang bandila sa paligid.

"Winning three golds is a realistic gold. A fourth gold would be a big bonus," masayang wika ni Philippine tennis president Manuel Misa na umaasam din na matatabunan ang 3-gold na hinakot noong 1991 Manila SEA Games.

Tatangkain nina Mamiit at Taino na madagdagan ito sa kanilang singles at doubles event ngayon. Aasamin ng tambalang Taino at Riza Zalameda ang ginto sa mixed doubles event. (Sarie Francisco)

Show comments