2 pang gold natumbok

Ibilang na ang dalawang gintong medalya ng national men’s snooker team at men’s 8-ball doubles squad sa naunang nasargo ni Ronnie Alcano.

Pinayukod ng tropa nina Alex Pagulayan, Leonardo Andam at Joven Alba ang grupo nina Supoj Saenla, Nitiwat Kanjanasri at Phaithoon Phonbut ng Thailand, 3-2, sa snooker men’s team event para kunin ang gold medal sa snooker men’s team event. 

Kinalampag naman ng tambalan nina Lee Van Corteza at Antonio Gabica ang dalawahan nina Nguyen Phuc Long at Nguyen Thanh Nam, 9-5, sa men’s 8-ball doubles competition. 

Sa pamamagitan ng nasabing dalawang tagumpay, umakyat na sa tatlong gintong medalya ang naibubulsa ng Pilipinas sa billiards and snooker event ng 23rd Southeast Asian Games kagabi sa Makati Coliseum. 

Nauna nang sinargo ni Alcano ang gold medal sa men’s 15-ball singles nang talunin ang ka-tropang si Gabica, 5-3, noong Linggo. (Russell Cadayona)

Show comments