Malinis na baraha, itataya ng Magnolia

Itataya ng league leader na Magnolia Ice Cream ang kanilang malinis na kartada sa pakikipagharap sa Harbour Centre sa tampok na laro ngayon sa 2006 PBL Heroes Cup sa FEU Gym.

Bitbit ang impresibong 3-0 win-loss slate, sasagupain ng Magnolia Wizards ang Port Masters sa tampok na laro sa alas-4:00 ng hapon pagkatapos ng sagupaan ng Hapee-Philippine Christian University at Magnolia Ice Cream sa alas-2:00.

Hangad ng Magnolia ang ikaapat na sunod na panalo para maging matatag sa solong pamumuno habang nais naman ng Harbour Centre na makisalo sa liderato.

Kasalukuyang may 2-1 kartada ang Port Masters katabla ang Rain or Shine sa likod ng pumapangalawang Granny Goose ngunit kung magtatagumpay ang Harbour Centre, maipupuwersa nila ang three-way-tie sa liderato.

Sisikapin namang makabangon ng Hapee-PCU na may 1-3 record at Toyota-Otis na may 1-2 kartada.

Inaasahang babandera sa Port Masters sina Jerwin Gaco, Robb Reyes at Jerome Paterno upang harapin ang mabigat na hamon ng tropa ng Magnolia na sasandal naman kina Arwind Santos, Fil-Am Kelly Williams, Mark Isip, Gerard Jones at Jason Misolas. (CVOchoa)

Show comments