Muling ginamit ng Snackmasters ang kanilang malabakod na depensa sa huling bahagi ng labanan upang makakalas sa three-way logjam at solohin ang ikalawang puwesto taglay ang 3-1 record sa likod ng walang larong Magnolia Ice Cream na nagniningning sa pangkalahatang pamumuno taglay ang malinis na 3-0 kartada.
Matapos umabante ng 17-puntos ang Tortillos sa 44-27 sa kaagahan ng ikatlong quarter, unti-unting bumangon ang Teeth Masters upang ibaba sa walong puntos ang kanilang deficit, 51-59 patungo sa huling 3:32 minuto ng labanan.
Ngunit naghigpit ng depensa ang Granny Goose para limitahan sa apat na puntos ang Hapee-PCU na kanilang pinatikman ng ikatlong sunod na talo matapos ang apat na laro.
Bumandera si J.R Quiñahan para sa Snackmasters na umiskor ng 16-puntos kabilang ang dalawang sunod na basket sa huling maiinit na segundo ng labanan upang pigilan ang pagbangon ng Hapee-PCU, bukod pa sa kanyang 11-rebounds.
Nauwi sa wala ang eksplosibong laro ni Jason Castro sa ikaapat na quarter kung saan kumamada ito ng 10-puntos para sa kanyang game-high na 19 nang kumulapso ang Teeth Masters dahil sa kakulangan ng suporta mula sa kanyang mga kasamahan. (CVO)