Django, umusad sa quarterfinals

Umiskor ng isa pang mapait ngunit matamis na tagumpay si Francisco "Django" Bustamante sa Damas 8 Ball World Pool Championship sa Fujai-rah Exhibition Center sa Fujairah, United Arab Emirates nang patalsikin nito ang kababayan at kaibigang Pinoy na si Alex "The Lion" Pagulayan 10-6 para umusad sa quarterfinals.

Ang tagumpay ni Bustamante laban kay Pagulayan, 2004 World Pool Champion, ay dumating isang araw makaraang patalsikin naman ang defending champion at matalik na kaibigang si Efren "Bata" Reyes, sa pamamagitan ng 10-1 panalo.

Halos walang problema si Bustamante sa kanyang pagrorolyo sa mga bola sa mabilis na mesa at madaling naigupo si Pagulayan.

Makakaharap ni Bustamante ang pamosong Italiano na si Fabio Petroni sa quarterfinals ngayon. Si Petroni na hinasa ang kanyang talento sa Manila ay dinispatsa naman ang Hungarian na si Vilmos Foldes , 10-5.

Ngunit umagaw ng eksena sa araw na iyon ay ang Arabian ni si Naif Aljaweni na tinalo ang Kuwaiti na si Jalal Yousif para makapasok sa last eight. Maraming sinorpresa si Aljaweni sa kuwalidad ng kanyang laro at dahil dito naghahanda na ang Saudis ng isang magandang pagtanggap sa kanyang pagbabalik kung saan inaasahang tatanggap ito ng $300,000 sa kanyang pagpasok sa quarter finals.

Matagal namang pinag-aralan ng German ni si Ralf Soquet ang lahat ng anggulo at tira ng Briton na si Darryl Peach ngunit sa bandang huli ay makuha ng Briton ang panalo.

Lumasap naman ng nakakapanghinayang na kabiguan si Thorsten Hohmann, 2003 World Pool Champions, saa kamay ng reigning World Pool champion na si Wu Chia Ching sa isa pang hill-hill classic. Nagmintis si Hohmann ng magagaan na tira sa 8 ball na nagbigay sa teenage wonder mula sa Chinese-Taipei ng pag-asang maidagdag ang World 8-ball title sa kanyang koleksiyon.

Show comments