Subalit, walang nakakaalam na, sa huling dalawang linggo, nagkakandarapa silang maghanap ng ipambabayad sa kanilang biyahe.
"Lahat na, sinubukan namin para makapag-fund-raising," salaysay ni Anne Poloyapoy. "May titirahan na kami doon, may makakainan ng mura, pero problema talaga namin yung pamasahe."
Mula 1998, bumabandera na sa dancesport ang mag-asawa. Bagamat pahirapan ang maghanap ng isponsor para sa mga kinakailangang biyahe, nakalahok nat nagwagi o naging finalist ang tambalan sa mga bigating labanan sa Australia, England, Hong Kong, Taiwan, Singapore at marami pang ibang bansa.
Sila rin ang nagdala sa Team Cebu City Dancesport, na nama-yani sa mga national ranking competitions ng Dance Sport Council of the Philippines (DSCP) mula noong nakaraang Disyembre.
Sa pagkakataong ito, hindi na nila alam kung paano sila makapupunta sa Germany. Masasayang lamang ang imbitasyon sa kanila bilang kinatawan ng Pilipinas.
Subalit nakatagpo sila ng kaibigang sumaklolo sa kanila.
Pumasok sa eksena ang Thai Airways. Sa pangunguna ng napakabait na general manager nitong si Khun Dol Bhasavanich at masipag na marketing officer na si Malu Dueñas, nagawan ng paraan upang makalipad ang mag-asawang Poloyapoy ng ligtas at komportable.
"Kung hindi dahil sa Thai Airways, hindi namin alam kung paano kami makakapunta sa Germany," dagdag pa ni Anne. "Ang laking sayang sana, dahil hindi naman lahat iniimbitang sumali sa World Championships."
Kasunod ng labanan sa Krefeld, dadayo ang dalawang mananayaw sa kalapit na Vienna, Austria, para sumali sa IDSF World Ten-Dance Championship sa November 19. Sa dalawang patimpalak na ito, makikipagsabayan sila sa mga pinaka-magagaling na ballroom dancer sa buong mundo.
At hindi sana magiging posible, kung hindi sa tulong ng kanilang mga bagong kaibigan sa Thai Airways.