5 Pinoy boxers nang-agaw ng eksena

Limang Pinoy boxers ang nang-agaw ng eksena nang daigin nila ang kani-kanilang kalabang dayuhan sa Day 2 ng Touch Mobile Go for Gold International Joint Training program noong Lunes ng gabi sa dinumog na Atrium ng SM Baguio.

Naipreserba nina Asian Senior Boxing Championships best boxer at bantamweight Joan Tipon at lightwelterweight Mark Jason Melligen ang kanilang pagwawagi habang ang nagbabalik na sina welterweight Reynaldo Galido, middle-weight Maximino Tabangcora at youth standout na si Junel Cantancio (bantamweight) ay nanaig din sa kanilang mga kalaban.

Tinalo ni pinweight Juanito Magliquian ang kababayang si Godfrey Castro, 25-15; habang nanaig naman si flyweight Violito Payla ng Philippine Army kay Franklin Albia ng Bacolod, 20-13.

Ngunit lumasap ng kabiguan si featherweight Joegin Ladon sa kamay ng fourtime Ireland champion na si Eric Donovan, 29-20.

Sina Tipon, Magliquian, Galido, Melligen, Payla at Ladon ay lalahok sa 23rd SEA Games.

Ang event na mula sa matagumpay na TM Go for Gold event sa Burnham Park noong nakaraang Sabado na tinatampukan din ng ilang miyembro ng International Joint Training program, ay proyekto ni Amateur Boxing Association of the Philippines president Manny T. Lopez.

Hinatak ni Tipon ang 14-7 panalo laban kay Manju Dinesh Kumara ng Sri Lanka; sinorpresa ni Cantancio si Nathan Di Carlo ng Australia, 28-24; naungusan ni Melligen si Todd Kidd ng Australia, 29-11, habang nanaig naman si Tabangcora sa pamamagitan ng RSC (rd.1) kay Jarrod Fletcher.

Ngunit ang pinakamatining na palakpak ay iginawad kay Galido, na ngayon ay 30 anyos. Si Galido, ay huling sumabak sa ibabaw ng ring noong 1996 Atlanta Olympics at umaasam sa huling pagtatangkang makapagsuot ng Pambansang kulay sa SEAG. At kahit na hindi pa gaanong nasa porma, tinalo niya ang Irish na si Ir Eric Sheehan sa pamamagitan ng RSC.

Show comments