Waste-free SEAG suportado ng mga Sports ambassadors

Ipinahayag ng mga dating atleta at ngayo’y naglilingkod bilang ‘Sports Ambassador’ ang pakikiisa sa programang ‘Waste-free SEA Games ‘ ng Eco-Waste Coalition at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Philsoc).

"Ito’y nagsisimula sa responsableng pagdedesisyon kung ano ang bibilhin, gagamitin o gagawin. Halimbawa, mas mainam na gumamit ng dahon ng saging, karton o lalagyang magagamit pang muli bilang alternatibo sa isahang gamit na styrofor at plastic," pahayag ni Elma Muros-Posadas, batikang sprinter, hurdler at long jumper kahapon sa isinagawang press conference hinggil sa waste-free management ng Southeast Asian Games sa Nov. 27-Dec. 5.

Hinimok ni Muros-Posadas ang sambayanan na makiisa sa programa at sundin ang mga gawain para makontrol ang polusyon at mapanatiling malinis ang kapaligiran.

"Pagbuklurin ang nabubulok at di nabubulok at ilagay ang mga ito sa tamang lalagyan. Ang mga nabubulok tulad ng tirang pagkain, dahon ng saging at balat ng prutas ay maaaring ipakin sa hayup o gawing pataba sa lupa. Samantala, ang mga di nabubulok naman tulad ng lata, bote at iba pa ay maaaring ibalik sa pabrika para mai-recycle."

Paliwanag naman ng sikat na taekwondo expert na si Monsour del Rosario na napapanahon ang naturang programa.

"Sa pagbubukod ng mga panapon, pinapadali natin ang recycling at nakakaiwas pa sa mapanganib na pagtatambak at pagsusunog ng basura na magbubunga ng Persistent Organic Pollutants o POPs na makapipinsala sa kalusugan at kapaligiran. Ang POPs ay mga lasong kemikal, katulad ng dioxins na maaaring maging sanhi ng kanser at iba pang malubhang sakit.

Hinimok ng EcoWaste Coalition ang mga lugar na pagdarausan ng palaro na magpatupad ng kaukulang sistema upang madaling maipagbukod-bukod ang mga panapong nabubulok at di nabubulok.

Show comments