Inangkin ni Krizia Apelar ang gintong medalya para sa tropa ng Fil-Am Athlete sa girls 16-17 200m run sa kanyang oras na 26.4 segundo, samantalang naglista naman si Tahlie Cablayan ng tiyempong 29.1 segundo sa girls 12-under 200m run.
Sa kabila ng pag-agaw sa eksena nina Apelar at Cablayan, patuloy pa rin ang Manila sa paghawak sa liderato ng nasabing sports meet na inorganisa ni Manila Sports Council (MASCO) chief Ali Atienza at pormal na magsasara ngayong hapon sa San Andres Sports and Civic Center sa Malate.
Nagbulsa ang mga Big City athletes ng 57 gold, 44 silver at 39 bronze medals para sa overall crown kasunod ang Laguna Province (28-16-14), Muntinlupa City (12-8-10), Quezon City (11-13-13), Parañaque City (10-13-9), General Santos City (4-10-8) at Puerto Princesa City (3-6-6).
Sa naturang 57 ginto, 45 rito ay kinuha ng Manila sa swimming, 12 sa athletics at isa sa softball events.
Ibinulsa ni Apryl Herrera ang kanyang tatlong ginto sa kanyang pamamahala sa girls 17-under 200m freestyle, 4x100m medley relay at sa 4x400m medley relay events sa Rizal Memorial Swimming Pool kahapon makaraang dominahin ang 100m butterfly at 400m freestyle noong Biyernes.
Labing limang ginto naman ang itinakbo ng Laguna Province sa athletics, apat rito ay iniambag ni Cecili Constantino, 13 sa swimming at isa sa football.
Samantala, kabuuang 56 gold medals ang nakalatag sa taekwondo competition ngayong araw sa San Andres, habang 28 naman ang nakahanay sa athletics sa UST. (Russell Cadayona)