Kumonekta si dating Ginebra Gin King point guard Kim Valenzuela ng 17 puntos para tulungan ang Magnolia Dairy Ice Cream sa 79-70 tagumpay kontra sa Granny Goose sa pagdribol ng 2005 PBL Heroes Cup kahapon sa La Salle Greenhills Gym.
Dalawang puntos lamang ang nailista ng 5-foot-9 na Fil-Am sa first period bago tumipa ng dalawang 3-point shot sa second quarter kung saan kinuha ng Wizards, may 1-0 kartada ngayon, ang 39-32 abante laban sa Snack Masters sa pagsasara nito.
Isang maikling 7-4 rally ang inilunsad ng Granny Goose sa third period mula kina Abby Santos, JR Quiñahan at Alfie Grijaldo na nagdikit sa kanila sa Magnolia sa 39-43 sa gitna ng nasabing yugto.
Mula sa pagbibida nina Valenzuela, Arwind Santos, Jeffrey Chan at Fil-Am Kelly Williams, isang 7-0 atake ang ginawa ng Wizards ni coach Koy Banal na muling naglayo sa kanila sa 50-39 sa 6:18 nito bago iposte ang 62-50 lamang sa Granny Goose sa pagsasara nito.
Humugot ng dalawang freethrows si Valenzuela, pinanood nina Gin Kings Jay-Jay Helterbrand, Sunday Salvacion at Fil-Am rookie Mike Holper, na naglatag sa 71-60 abante ng Magnolia sa huling 3:54 ng final canto hanggang makabangon ang Granny Goose ni mentor Jun Tan sa 69-74 agwat sa nalalabing 26.6 segundo buhat sa basket ni Quiñahan.
Tatlong freethrows nina Chan at Alex Angeles ang tuluyan nang tumiyak sa tagumpay ng Wizards sa pagtatala nila ng 76-69 abante sa nalalabing 16.5 tikada. (Russell Cadayona)