Limang Batang Maynila tankers sumisid ng ginto

Limang swimmers ng Manila ang nagsilbing sandata ng Big City upang pansamantalang kunin ang liderato sa 1st Manila Youth Games National Invitational sa Rizal Memorial Swimming Pool kahapon.

Lumangoy ng tig-dalawang gintong medalya sina Judith Cruz, Ingrid Ilustre, Apryl Herrera, Tessa Alcantara at Kristian Libat sa swimming event para iangat ang Manila sa overall standings bitbit ang 31 gold medals kasunod ang 14 ng Laguna Province at 7 ng Muntinlupa City.

Humugot ang Big City tankers ng 24 sa nakalatag na 48 gintong medalya sa swimming competition na muling hahataw ngayong araw, samantalang sisipa naman ang taekwondo event bukas sa San Andres Sports and Civic Center sa Malate.

Kinolekta ng 10-anyos na si Cruz ang kanyang dalawang gold medal sa girls‚ 10-under 50m freestyle (31.89) at sa 100m butterfly (1:18.31), habang nagreyna naman si Ilustre sa girls‚ 10-under 50-meter breaststroke (40.68) at sa 200m individual medley (2:49.62).

Ibinulsa naman ni Herrera ang ginto sa girls‚ 14-17 400m freestyle at 100m butterfly, si Alcantara sa girls‚ 15-17 50m breaststroke at 50m freestyle at si Libat sa boys‚ 15-17 400m freestyle at 100m butterfly.

Tig-apat na ginto naman ang sinisid ng Laguna Province at Parañaque at tigalawa ang Quezon City at General Santos City.

Sa athletics na idinaos sa University of Santo Tomas sa España, inangkin ni Angel Balatibat ang gintong medalya sa girls‚ 12-under 100m dash sa bilis na 14.7 segundo kasunod sina Christina Morales ng Muntinlupa (14.9) at Manilyn Eleazar ng Puerto Princesa (15.0).

Nag-ambag rin ng ginto sina Cecile Constantino sa girls‚ 13-15 100m dash (13.6) at si Jasmine Chavez sa girls‚ 16-17 100m dash (13.4). (Russell Cadayona)

Show comments