2 umaatikabong bakbakan sa pag-dribol ng PBL Heroes Cup

Dalawang umaatikabong bakbakan ang tampok sa pagbubukas ng 2006 PBL Heroes Cup sa Sabado kung saan maghaharap ang dalawa sa mga higante ng liga - ang Magnolia Dairy Ice Cream at Rain or Shine (dating Welcoat Paints) na sasabak sa magkahiwalay na kalaban at umaasa ang dalawa na mapapasama sila sa elite ng circle of champions.

Sasagupain ng Wizards na babanderahan ng back-to-back UAAP MVP na si Arwind Santos at Fil-Am Kelly Williams ang Granny Goose Tortillos sa unang laro bandang alas-2 ng hapon, habang makikipagtipan naman ang Elasto Painters sa Toyota Otis Knights sa alas-4.

Magsisimula ang opening ceremonies sa ala-1 ng hapon kung saan panauhin ang Olympian na si Jasmine Figueroa, ang archer na mula sa Tondo, Balut.

Ang tagumpay ni Figueroa sa Athens Games ay kailanman ay hindi malilimutan bilang isa sa pinakamahusay na performance na ginawa ng isang Pinoy athlete sa nasabing quadrennial event.

Magbibigay rin ng kasiyahan ang sexy actress na si Jen Rosendahl at ang Solid Gold ni Mel Feliciano para sa isang sayaw na inaasahang magpapasigla sa pagtitipong ito na live na mapapanood sa Studio 23.

Dadalhin ng Lamoiyan-franchise ang buong puwersa ng PCU Dolphins sa NCAA, na magbibigay muli ng panibagong tagumpay sa multi-titled coach na si Junel Baculi.

Ang iba pang koponan na lalahok ay ang Harbour Centre, Montaña Pawnshop at Far Eastern Insurance.

Show comments