Dinomina ng Muntinlupa ang boys 12-under at girls 12-under division para ibilang sa nauna nilang pagkontrol sa boys 17-under at girls 15-under category.
Hindi rin nagpahuli ang Quezon City, Parañaque at Laguna Province nang sumikwat ng tig-isang gintong medalya sa naturang sports meet na inorganisa ni Manila Sports Council (MASCO) chief Ali Atienza.
Sa pagbibida ng varsity team ng University of the Philippines, iginupo ng Quezon City ang Manila, ginabayan ng Adamson Lady Falcons, mula sa 3-0 sweep sa kanilang best-of-three series sa girls open softball sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa.
"This gives us opportunity to correct our mistakes, and improve once the UAAP season begins," sabi ni Adamson coach Boy Codiñera sa pagkatalo ng Manila sa Quezon City.
Sumipa naman ng ginto sa girls 17-under ang Parañaque matapos talunin ang Muntinlupa, 5-3, samantalang pinagharian ng Laguna Province ang labanan sa boys 15-under nang pataubin ang Bohol, 3-0, sa football event sa Luneta Park.
Samantala, kabuuang 25 gintong medalya ang nakalatag ngayong araw para sa paglarga ng athletics competition sa University of Sto. Tomas sa España.
Inayos naman ng Tanauan City ang kanilang finals match ng Muntinlupa ngayong hapon makaraang kaldagin ang Bohol, 14-0, sa 12-under little league baseball sa PUP. (R. Cadayona)