Giniba ng Muntinlupa ang Laguna, 10-0, at kinasahan ang Manila, 8-0, sa girls 15-under football event para ibulsa ang kauna-unahang gintong medalya sa 1st Manila Youth Games National Invitational sa Luneta Park kahapon.
Maaari ring mapasakamay ng Quezon City ang gold medal sa boys 12-under baseball competition kung muling tatalunin ang Manila, tinalo nila kahapon, 1-0, ngayong hapon sa kanilang best-of-three series.
Kinilala si striker Frankie Rivilla bilang Most Valuable Player (MVP) sa pagbibida sa Muntinlupa booters sa nasabing sports meet na inorganisa ng Manila Sports Council (MASCO) at itinataguyod ng PAGCOR, San Miguel Corp., Philippine Airlines, Super Ferry, Milo, UNILIVER, Speedo, Red Bull, Land Bank, Isuzu Manila, IntrASports at Concept Movers.
Samantala, pitong Fil-Foreign athletes naman ang lalahok sa athletics, lalarga bukas sa University of Sto. Tomas sa Espana, at swimming, hahataw sa Biyernes sa Rizal Memorial Swimming Pool sa Malate.
Sa baseball, itinala naman ng Tanauan ang 3-0 baraha matapos talunin ang Palayan City, 9-0, sa likod ng 14 struck outs ni pitcher Joel Castillo.
Umiskor naman ng panalo ang Manila sa Laguna, 11-4, sa girls 13-15 football at sa Bohol, 5-3, sa 12-under baseball event. (Russell Cadayona)