Nakatakdang pulungin ng Philippine Olympic Committee (POC) president ang 41 pinuno ng mga 41 National Sports Associations (NSA) bukas upang kunin ang kani-kanilang mga irerekomendang atleta.
"Tatanggapin natin lahat ng suggestions ng mga different NSAs at iko-compile natin kung sino ang may pinakamaraming boto," sabi ni POC president Jose Peping Cojuangco, Jr.
Anim hanggang pitong atleta, ayon kay Cojuangco, ang kanilang ililista bilang mga aspirante para maging flag bearer ng RP contingent sa naturang biennial event.
"Kapag may numero na tayo, tatanungin natin ang mga tao through texting kung sino ang gusto nilang flag bearer," wika ni Cojuangco. "Kapag nakuha na natin kung sino ang gusto nila, iyon na ang mapipili."
Sinabi ni Cojuangco na makikipag-usap siya sa Globe Telecommunications para sa nasabing texting contest.
Ang mga nauna nang atletang nasa listahan ng POC ay sina amateur boxers Harry Tanamor, Violito Payla at Mitchell Martinez, wushu artists Arvin Ting at Rene Catalan, bowler CJ Suarez at softball pitcher Ray Ramirez.
Inaasahan namag mapapasama sa listahan sina actor-sportsman Richard Gomez ng fencing at shooting, Mikee Cojuangco-Jaworski ng equestrian at John Baylon ng judo. (RC)