SEA Games ipinagpalit ni Manalo sa $1M King of the Hill tourney

Matapos sina Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante, umatras na rin si Marlon Manalo sa paglahok sa billiards and snooker events sa darating na 23rd Southeast Asian Games sa Nobyembre.

Idinahilan ni Manalo, ang 2002 Asian snooker champion, ang kanyang pagsabak sa 2005 King of the Hill 9-Ball Champion-ships sa Orlando, Florida kung saan $1 milyon ang nakataya bilang premyo.

Ayon kay Manalo, nag-uwi ng silver medal sa snooker singles event ng 2003 SEA Games sa Vietnam, makakasabay ng naturang torneo sa United States ang 2005 Philippine SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 5.

Nauna rito, hindi na-man sasama sa national team para sa nasabing biennial meet sina Reyes at Bustamante bunga ng sinasabi nilang injury.

Ayon kay Reyes, ang 1999 World 9-Ball cham-pion, sasailalim siya sa isang laser corrective surgery para sa kanyang lumalabong mga mata, samantalang kasalu-kuyan namang iniinda ni Bustamante ang kanyang elbow injury.

Sa kabila ng mga ito, tiniyak naman ni Reyes at Bustamante ang pagsabak sa King of the Hill tournament.

Sa nakaraang SEA Games sa Vietnam, tanging sina Lee Van Corteza at Warren Kiamco ang nakapag-uwi ng gintong medalya, habang dalawang tanso naman ang nakuha ng 47-anyos na si Reyes mula sa 9-ball singles at one-cushion carom.

Kinuha ni Corteza ang gold medal sa 8-ball singles bago nakipagtambalan kay Kiamco para sa 9-ball doubles event sa Vietnam. (Russell Cadayona)

Show comments