Balak ikasa ang beteranong Pinoy boxer na si Carlito Brosas laban kay Xiaolin Xia para sa bakanteng World Boxing Empire (WBE) Asia Pacific Welterweight title sa main event ng card na tinatawag na "China vs. RP".
Inayos ni Elorde, panganay na anak ng matinding si Flash Elorde, ang naturang nakatakdang 12-round fight na suportado ni Mayor Boyet Gonzales ng Mandaluyong City.
Ang 25-anyos na si Brosas ay boxer-puncher na halos sumikat na noong 2001 nang magtala siya ng second round knockout sa kanyang United States debut laban sa wala pang talo noon na si American Cesar Esquivel sa Emerald Queen Casino sa Tacoma City, Washington.
Ang panalo kay Esquivel ang nagdala kay Brosas sa malaking laban kontra dating IBF light welterweight king Vince Phillips sa bigating venue, ang MGM Grand sa Las Vegas noong Nobyembre 3, 2001 bilang isa sa mga undercard ng napakalupit na second round knockout win ni Kostya Tszyu kontra kay Zab Judah sa kanilang world light welterweight title unification fight.
"Nang masilat ako sa third round ni (Vince) Phillips, nakalusot sa akin ang opportunity na makapagpatuloy sa mga big time fight, kaya gusto kong makabawi ngayon," sabi ni Brosas.