Ito ang reaksiyon ng UAAP Board matapos aminin ng La Salle na mayroon silang ineligible player mula pa noong nakaraang taon kaya handa silang bitawan ang kanilang 2004 title na idinipensa laban sa FEU sa nakaraang UAAP basketball tournament.
"Let DLSU complete its investigation. Anyway, they are the ones who opened it, and in fairness to them, let them finish it, then (they will) submit the complete results to the board. Thats the time the board will meet," wika ni Ricardo Matibag, ang secretary/treasurer ng UAAP Board mula sa host Adamson University.
Sakaling maging positibo ang imbestigasyon ng La Salle sa kanilang isang player na diumano ay nameke ng kanyang high school documents, handa silang ibigay sa Far Eastern University ang kanilang titulo noong nakaraang taon.
Kung magkakaganon ay may-three-peat na ang FEU at sila na ang may pinakamaraming basketball title sa UAAP na 19 matapos nilang pantayan ang 18-titles ng University of Santo Tomas at University of the East sa kanilang nakaraang tagumpay.
Bukod sa kanilang titulo noong nakaraang taon, mawawalang bisa rin ang lahat ng kanilang laro sa taong ito kabilang ang kanilang runner-up finish.
Sa ikatlong Linggo pa ng Nobyembre ang susunod na pagpupulong ng UAAP Board at inaasahang tatalakayin dito ang isyung ito ukol sa La Salle. (CVOchoa)