Nagposte ang pambato ng University of the Philippines ng bilis na 1:18.75 para ungusan sina Denjylie Cordero at Edzen Dinglasan na naglista ng 1:19.11 at 1:20.54, ayon sa pagkakasunod, sa womens 100-meter breaststroke sa Day 2 ng Bank of Commerce National Open Swimming Championships kahapon sa Rizal Memorial Swimming Pool.
"After the Sydney Olympics talagang nagpahinga muna ako kasi maraming problema pa noon eh, may mga issues sa swimming na hindi ko nagustuhan," ani Guerrero, pinagreynahan ang 200m Individual Medley noong Martes sa oras na 2:29.67.
Para paghandaan ang darating na 23rd Southeast Asian Games sa Nobyembre, sumama si Guerrero sa isang 16-man delegation na nagtungo sa China para sa isang three-month training.
"Medyo pagod pa ako kaya mabagal yung nai-submit kong time. Pero Im confident na mai-improve ko pa ito kapag nakapagpahinga na ako," sabi ng 21-anyos na tubong Catanduanes sa kanyang inilangoy.
Ang nasabing five-day swimfest ang gagamitin ng Philippine Amateur Swimming Association (PASA) para sa komposisyon ng national squad na isasabak sa 2005 SEA Games.
Sa iba pang resulta, nagrehistro si 2000 Sydney Olympian Timmy Chua ng 1:05.81 sa mens 100m breaststroke, nagtala si Marichi Gandionco ng 4:33.69 sa womens 400m freestyle, nagposte si Ken Uy ng 53.91 sa mens 100m freestyle at nagtirik si Benjie Uy ng 2:15.39 sa mens 200m Individual Medley.
Samantala, darating naman sa bansa sa Oktubre 20 sina Chinese mentors Wu Yan Yan at Zheng Shang Yi upang tumulong sa mga Filipino swimmers. (Russell Cadayona)