Isa lang ang ibig sabihin nito. Salang-sala ang talent pool at ang tanging pwedeng makarating sa PBA ay yung mga karapatdapat lamang na maglaro dito. Hindi porket magaling na ang isang manlalaro sa amateur ranks ay garantisadong makakaakyat siya sa PBA at matutupad ang kanyang pangarap.
Lahat naman ng siyam na koponan sa PBA ay nagdagdag ng kahit na isang rookie sa line-up nito. Tig-isang rookie ang kinuha ng Air21 (Niño Canaleta), Alaska Aces (Mark Kong), Purefoods Chunkees (Jondan Salvador) at San Miguel Beer (Paolo Hubalde).
Ang Red Bull Barako ang siyang may pinakamaraming rookies sa line-up nito. Pumirma ng kontrata ang first rounder na si Leomar Najorda na Most Valuable Player ng 2003 NCAA kung saan naglaro siya sa San Sebastian College.
Pinapirma din ang mga Atenistang sina Larry Fonacier at Paolo Bugia na ngayon ay makakasamang muli ng dating King Eagle na si Enrico Villanueva.
Dahil ditoy bumata nang husto ang line-up ng Barakos bagamat nasa kanila pa rin si Nelson Asaytono na isa na sa pinakamatandang player ng liga. Kumbagay looking ahead na ang Red Bull at ngayon pa lang ay inilalagay na nila sa dapat kalagyan ang mga materyales na makakatulong sa kanila sa mga susunod na taon. Iyon naman kasi ang isa sa mga dahilan kung bakit kumukuha ng rookies ang isang team. Nagbi-build up ito.
Tigalawang rookies naman ang nakabilang sa line-up ng Coca-Cola (Dennis Miranda at Neil Raneses), Ginebra Kings (MIchael Holper at Mark Macapagal), Sta. Lucia Realty (Alex Cabagnot at Cesar Catli) at Talk N Text (Anthony Washington at Mark Cardona).
Si Washington ang No. 1 pick sa Draft samantalang si Cardona ang No. 5. Pinili sila ng Air21 subalit ipinamigay sa Talk N Text kapalit nina Yancy de Ocampo at Patrick Fran. Swerte naman ng Talk N Text dahil kahit na 18th pick overall ang hawak nito sa nakaraang Draft ay nakakuha pa ng mga blue chippers.
Katunayan, ang 18th overall pick na si Macapagal ay hindi na pinapirma ng Talk N Text ng kontrata at sa halip ay napunta sa Ginebra.
Ang tatlong ibang napili sa Draft na hindi pinapirma ay sina Al Magpayo, BJ Manalo at Rey Mendoza. Si Magpayo ay napili ng Coca-Cola bilang No. 12, si Manalo bilang No. 13 ng Purefoods at si Mendoza bilang No. 16 ng Sta. Lucia Realty.
Biruin mo iyon! Napili ka na sa Draft pero hindi ka pa rin napapirma! Ganoon talaga kasikip ang mundo sa PBA.
Ngayong naglalaro na ang 15 baguhang ito, natural na nakatuon din sa kanila ang pansin ng league followers. Sino ba sa kanila ang tunay na sisikat. Sino ba sa kanila ang talagang pakikinabangan? Sino sa kanila ang magiging Rookie of the Year.
Mabigat din ang pressure sa balikat ng mga baguhang ito at iilan lang din ang lulusot sa pagsubok.