Lampley, nagpasikat

Bumawi si import Sean Lampley sa kanyang malamig na first half nang mag-init ang kanyang mga kamay sa ikalawang bahagi ng labanan upang ibangon ang Barangay Ginebra tungo sa 89-81 tagumpay sa pagpapatuloy ng San Mig Coffee-PBA Fiesta Conference kagabi sa Araneta Coliseum.

Matapos umiskor ng 5-puntos lamang sa unang bahagi ng labanan, kumamada si Lampley na ipinalit ng Ginebra sa kanilang mahinang import na nakuha na si Mustapha Hoff, ng 24-points sa second half upang ihanay ang Gin Kings sa opening day winner na Purefoods laban sa Red Bull, 84-77.

Dumating si Lampley noong Lunes lamang at nakadalawang practice pa lamang ito sa Ginebra na wala pa ring Fil-Am na Eric Menk na maaasahan dahil patuloy itong suspendido dahil sa mga kulang nitong dokumento.

Humataw ng husto si Lampley sa ikatlong quarter nang mag-isa nitong buhatin ang Gin Kings sa pagkamada ng 14-puntos upang ilapit ang iskor sa 62-66 matapos mabaon ng 10-puntos.

Katulong si Mark Caguioa na umiskor ng pito sa kanyang tinapos na 15-puntos sa ikaapat na quarter, kumamada si Lampley ng 10-puntos para sa Ginebra nang kanyang pangunahan ang 14-4 run para agawin ang kalamangan at lumayo sa 85-77 mula sa freethrows ni Jayjay Helter-brand.

Tumapos ang Alaska import na si Alex Carcamo ng 17-puntos, 15-nito ay sa ikatlong quarter ngunit hindi nito nasustinihan ang kanyang pananalasa sa ikaapat na quarter sanhi ng pagkulapso ng Alaska na nabaon ng hanggang 10-puntos, 89-79 bago matapos ang laro na siyang sumira sa debut game ng kanilang bagong coach na si Binky Favis. (Carmela Ochoa)

Show comments