Pangalawang buhay ni Mac Cuan

Mahigit tatlong linggo na mula nang manakawan ng kotse si Mac Cuan, point guard ng Sta. Lucia Realty. Subalit gumuhit na sa kanyang alaala ang mga nangyari.

Madaling araw, halos 1:30 ng umaga nang lumabas si Mac sa kanilang bahay sa Quezon City upang kunin ang ilang magasin na naiwan niya sa sasakyan. Habang ginagawa niya ito, may Toyota na dumaan, at dahan-dahang pumarada. Nang maisara na niya ang pinto, bumaba ang isang nakasakay, at daglian siyang tinutukan ng kalibre 45 sa mukha. Hiningi ang susi ng kanyang Honda CRV.

"Tinitingnan ko kung tutoo yung baril, salaysay ni Cuan. "Nung aabutin na niya yung susi, tinaas ko pa yung kamay ko, kasi baka tripping lang siya. Tinutok sa noo ko yung baril."

May bumaba pang kasama ang magnanakaw, at nakuha nila ang sasakyan, pati na rin bag ni Cuan na may dalawang cell phone, ATM card at credit card.

Pinatalikod si Mac, at iniwanan. Daglian niyang ginising ang mga magulang niya.

"Gusto ko sanang manlaban, e," alaala ng biktima. "Kasi, maliit sa akin. Pero, naisip ko, kung makuha ko yung baril, baka pati yung kasama sa kotse, meron din, e di dalawa pa rin sila. Balewala rin."

Ayon kay Cuan, ilang araw nang nagrereklamo ang kanyang ina na nagigising siya ng ganoong oras. Kumakahol daw ang mga aso sa kapitbahayan, at may di-kilalang kotse na umaali-aligid. Marahil daw ay inaabangan ang kanyang nakababatang kapatid, na karaniwang umuuwi ng madaling araw ng Sabado.

Katunayan, sa gabing iyon, wala pang tatlumpung minuto ang dumadaan nang umuwi nga ang kanilang bunso.

"Shocked kami lahat," dagdag niya. "Hindi namin akalain o naisip na mangyayari sa amin iyon. May kaibigan din akong ninakawan ng ganyan. Iniwan sila sa madilim na lugar."

Dalawa o tatlong buwan ang hihintayin ng insurance company bago palitan ang sasakyan. Samantala, nakikisakay si Cuan sa mga kakampi, at ilang payo rin ang ibinigay sa mga kaibigan.

"Just don't go out at night," payo niya. "Hindi naman ako palalabas talaga, e. Natiyempuhan lang talaga ako. Sana huwag lang mangyari sa ibang tao."

Marahil ay nagamit na sa iba pang krimen ang sasakyan, o kaya't kinarne na para magamit ang mga piyesa. Ano pa man ang nangyari, iniisip na lamang ni Cuan na mapalad siya't hindi siya nasaktan.

"Sabi ng mga kaibigan ko, malas ko daw, dahil nanakaw yung sasakyan ko. Sabi ko, masuerte na rin ako. I could have died that night. Parang pangalawang buhay ko na ito."

Sana naman, may magawa ang mga awtoridad. Pero malabo nang mabawi pa ang sasakyan.

Show comments