Hindi na natin kailangan ang isang PBA coach para sa ating national team.
Laking insulto naman yan sa napakarami nating coaches na nasa amateur ranks kung magpupumilit ka pa sa isang professional coach o isang coach na nasa PBA.
Marami tayong mahuhusay na coaches na wala sa PBA at sigurado ako, kaya rin nilang makapagpa-champion sa SEA Games.
Nagtataka lang ako kung bakit kailangan pa nating magpumilit na may isang PBA coach at may mga PBA players sa ating national team.
Napakarami nating magagaling na amateur players na kayang makapagpa-champion sa SEA Games.
Nandyan sina LA Tenorio, Arwind Santos, Gabby Espinas, Robert Sanz, Aaron Aban, Joseph Yeo, Tyron Tang, Japeth Aguilar at marami pang ibang big stars sa NCAA, UAAP at PBL.
Mga amateur players yan at legitimate yan kapag inilagay sila sa national team dahil hindi sila pros.
Nandyan sina Franz Pumaren, Junel Baculi, Louie Alas, Bert Flores, Norman Black, Ato Tolentino, at marami pa dyang mga coaches na magagaling.
Para ba kasing hindi na tayo mananalo sa SEA Games kung hindi PBA players ang nasa national team natin.
Para ba kasing hindi na tayo mananalo sa SEA Games kung hindi PBA coach ang may hawak nyan.
Para bang hindi na nila kayang magtayo ng isang national team kung wala ang PBA.
While the offer for help from the PBA should be appreciated, we should also realize that we have ample of talented amateur players and coaches not in the PBA na kayang magdala ng watawat ng Pilipinas sa SEA Games.
At legitimate pa.
Ang ganda-ganda ng battle for the Round of Four slots sa UAAP.
Alam na natin kung sino ang apat na papasok sa Final Four ng UAAP, pero ang excitement ay hindi nagtatapos dyan dahil yung apat na nakapasok ay pare-pareho pang naghahabol sa no.1 and no.2 slots para sa twice-to-beat advantage.
Hindi porke FEU ang nasa no.1 position ngayon eh sigurado na ito sa twice-to-beat. Posible pa itong maging no.3 kapag natalo sila sa huling laro nila.
Hindi rin porke no.4 ang La Salle ngayon eh wala na itong pag-asa sa twice-to-beat advantage dahil kaya pa nilang maging no.2 kapag naipanalo nila ang huling dalawang laro nila.
Kaya nga napakaganda ng labanan ngayon sa UAAP. Lahat ng natitirang laro eh napakahalaga.
Hindi lang bawal magkasakit, kundi bawal ding matalo.