Hindi magkikita sa semifinals ang RP-San Miguel Beer at Alaska sa knockout semifinal round nang sibakin ng SK Knights ng South Korea ang Toshiba Brave Thunders ng Japan, 99-79, para maging top team pagkatapos ng elimination round ng 5th Shell Rimula Cup noong Biyernes ng gabi dito sa National Indoor Stadium.
Ang 20-point victory ng South Koreans ang nag-luklok sa kanila sa No. 1 spot sa semifinals kagabi dahil sa superior quotient laban sa Nationals at Japan.
Nagtapos ang SK Knights, RP-SMB at Toshiba sa elimination round na may pare-parehong 4-1 ngunit nakuha ng Koreans ang No. 1 dahil sa kanilang +40 sa quotient.
Ang Nationals, na nakaungos sa SK Knights noong Miyerkules ng gabi, 97-95, ay +20 para makuha ang second spot habang ang Japan na nawakasan ang four-game winning streak ay +10 para sa No. 3 spot.
Ang Aces, na nagpormalisa ng kanilang pagpasok sa semis via 115-43 pagdurog sa Warriors All-Star ang No. 4 spot sa four-nation six-team cagefest.
Ang mananalo sa semis ay uusad sa knockout championship na gaganapin ngayon.
Ang mga matatalo ay maglalaban para sa konsolasyong third place.
Ang champion ay tatanggap ng $20,000 habang $10,000 sa runner-up, $7,000 sa third at ang fourth-place ay $5,000.