Makaraan ang malamyang kampanya ng Bedans sa unang round, nagising ang Red Lions nang kanilang silatin ang defending champion Philippine Christian University, 78-72 bilang isang magandang pasalubong sa bagong coach na si Banal na pumalit kay Nash Racela.
Umahon ang San Beda sa 2-6 record ngunit mapanganib ang kanilang magiging kalaban ngayon na SSC-R Stags na may tatlong panalo sa kanilang huling apat na laro na nag-angat sa kanila sa 4-4 karta matapos ang 0-3 panimula.
Muling sasandalan ni Banal sina Jerome Paterno at Yousif Aljamal na siyang bida sa kanilang nakaraang panalo kung saan may pinagsama itong 46 puntos sa naka-raang laro, sa kanilang pang-alas-4:00 ng hapon na pakikisagupa sa San Sebastian.
Mauuna rito, sisikapin naman ng defending champion PCU Dolphins na makabangon sa dalawang sunod na kabiguan matapos ang anim na dikit na tagumpay sa pakikipaglaban sa bigating College of St. Benilde sa alas-2 ng hapon.
Ang CSB Blazers ay kasalukuyang may 3-5 karta katabla ang Univer-sity of Perpetual Help System DALTA sa likod ng nangungunang host Colegio de San Juan de Letran na may malinis na 6-0 record, PCU na may 6-2 at nasa ikatlo ang Mapua (5-3).
Sisikapin ng Baste na maduplika ang kanilang 63-49 pamamayani laban sa Blazers sa kanilang first round encounter sa tulong nina Leo Najorda, Red Vicente at Jim Viray.
Sa juniors division, bubuksan ng La Salle Greenhills at ng PCU Baby Dolphins ang aksiyon sa alas-11:30 ng umaga habang sa ikaapat at huling laro ay ang sagupaan ng SBC Red Cubs at ang SSC-R Staglets. (Ulat ni CVOchoa)