Sinabi kahapon ni PSC Commissioner Richie Garcia na ito ay bunga na rin ng mga nababalitaan nilang panunuluyan ng ilang atletang hindi naman kasama sa alinman sa national team at sa national training pool.
"All the athletes that are staying in Rizal Sports Complex ay pinapa-check namin kung talaga bang dapat sila diyan, anong qualification nila para manatili diyan," ani Garcia.
Sa nabalitaan ni Garcia, isang school basketball team ni dating national youth team head coach Johnny Tam ang tumira ng matagal sa RMSC kung saan may monthly allowance ang mga ito at libre pa ang pagkain at tubig.
"Were having an inventory actually of all athletes sa Rizal Complex para malaman natin kung sino talaga ang hindi dapat diyan. May iba diyan kasi na pati pamilya nila pinatira diyan sa Rizal," wika ni Garcia.
Ang naturang tropa ni Tam ay ipinakilala niya sa PSC bilang national youth squad.
Si Tam ay miyembro ng Basketball Association of the Philippines (BAP) na hindi na kinikilala ng PSC matapos sibakin ng Philippine Olympic Committee (POC) bilang miyembro.
Ayon kay Garcia, hindi lamang ang basketball ang sports na kanilang pupuntiryahing kuwestiyunin kaugnay sa mga atletang naninirahan sa RMSC. (Ulat ni Russell Cadayona)