^

PSN Palaro

LARONG KALYE

GAME NA! - Bill Velasco -
Ipinagdiriwang ng adidas Philippines ang ika-sampung taon ng adidas Streetball Challenge sa Festival Mall sa Alabang ngayong weekend.

Labing-anim na koponan ng mga kampeon mula sa National Capital Region, Luzon, Visayas at Mindanao ang naglalaban sa midgets, juniors, girls at seniors division. Ang mga magwawagi sa seniors at girls ay magiging kinatawan ng Pilipinas sa darating na Asian Streetball finals na gaganapin sa Araneta Center sa unang weekend ng Setyembre.

Mahirap paniwalaan na isang dekada na ang nakalipas. Pero, kung tutuusin, sa kalye nagsimula ang ating pagmamahal sa basketbol. Noong 1930’s, maging ang mga Olympian natin ay sa kalsada naglalaro. May mga kuwento pa tungkol kay Jacinto Ciria Cruz, isang miyembro ng ating 1936 Berlin Olympic team, at unang sumali sa basketbol sa Olympics. Ayon sa mga kuwento, ayaw daw ng ama ni "Jumping Jack" na maglaro siya sa kalye, kaya itinago ang lahat ng kanyang mga pantalon. Ang kanyang remedyo: Kinabitan niya ng pardible ang ilalim ng kanyang sando para magsilbi na rin itong pantalon, at nagpatuloy sa paglalaro.

Malayo na rin ang narating ng mga kabataang Pinoy na nahilig sa streetball.

Noong unang taon (1996), ang mga nagkampeon sa seniors division (16 hanggang 19 taong gulang), ay ipinadala sa Budapest, Hungary. Noong 1997, sa Paris, France naman sila nakarating.

Dalawang beses na tayong naging hari sa Asya. Noong 2000, ang grupo ng University of Santo Tomas ang nag-uwi ng Asian girls Streetball championship, sa pamumuno ni coach Peque Tan. Nasundan ito noong 2002, nang makuha naman ng University of the Visayas ang Asian seniors championship, sa pangunguna ni coach Elmer Cabahug at team captain na si JR Quiñahan.

Nagantimpalaan sila ng isa pang biyahe sa Amerika noong 2003, upang makapanood ng isang NBA game at makita ng personal si Tracy McGrady, na noo’y naglalaro para sa Orlando Magic.

Binigyan din ng pagkilala ang limang pinakasikat na streetball player sa Pilipinas. Una sina Enrico Villanueva ng Red Bull at Wesley Gonzales ng FedEx, na magkakampi sa Ateneo de Manila high school at nagtapos na runner-up sa 1997 adidas Streetball National Finals sa Baguio City. Kasama rin ang nabanggit nang si JR Quiñahan mula sa Cebu, si PJ Simon ng Purefoods Hotdogs na lumahok sa streetball sa Davao, at si BJ Manalo, na lumahok sa juniors division ng unang adidas Streetball Challenge noong 1996, bago siya kinuha sa Philippine Youth team.

Marami pang biyaya ang makukuha ng mga batang lumalahok sa street basketbol.

Sa nakaraang sampung taon, marami ang gumaya, pero naglaho na lahat. Ang adidas Streetball Challenge na lamang ang nalalabing pagkakataon upang maipakita ng mga bata ang kanilang husay sa three-on-three basketball.
Bukas ng gabi, mapapanood na ang programang The Basketball Show sa IBC-13, ganap na alas 8:30 ng gabi. Abangan.

ARANETA CENTER

ASIAN STREETBALL

BAGUIO CITY

BASKETBALL SHOW

BERLIN OLYMPIC

NOONG

STREETBALL

STREETBALL CHALLENGE

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with