PCU O LETRAN?

Alin ba talaga sa Philippine Christian University at Letran College ang Number One team sa 81st season ng National Collegiate Athletic Association?

Ang kasagutan ay malalaman sa Miyerkules sa pagtatagpo ng Dolphins at Knights sa pagtatapos ng first round of action sa Cuneta Astrodome sa Pasay City. Kapwa napanalunan ng dalawnag kopo-nang ito ang unang anim nilang laro sa torneo at sila na lamang ang hindi pa nakakatikim ng pagkatalo.

Natural na ang isasagot ng karamihan ay ito: Ang PCU Dolphins ang llamado sa sagupaan ng dalawang unbeaten teams.

Kasi nga, ang PCU ang siyang nagtatanggol na kampeon sa NCAA. Intact ang line-up nila at tanging si coach Edmundo "Junel" Baculi ang baguhan dito. Hinalinhan ni Baculi si Loreto Tolentino na siyang nakapagbigay ng kauna-unahang titulo sa Dolphins noong isang taon.

Maraming versions kung bakit nawala si Tolentino. Sinasabing mas maganda ang offer sa kanya ng ibang eskuwelahan. Mayroon ding nagsasabi na ayaw ng Dolphins ang pisikal na estilo ni Tolentino sa pagko-coach.

Pero kahit na ano pa ang dahilan, tila maganda naman ang paggi-yang ginagawa ni Baculi sa Dolphins at focused na focused ang kanyang mga manlalaro partikular na si Gabriel Espinas na siyang Most Valuable Player noong isang taon.

So, angat nga ba ang Dolphins sa Knights?

Hindi rin masasabing malaking-malaki ang bentahe ng PCU sa Letran. Kasi nga’y punum-puno na ng karanasan ang Knights dahil sa dalawang torneo sa Philippine Basketball League (PBL) ang kanilang nalahukan. Sila’y inisponsoran ng Toyota Otis.

Iba na rin kasi yung may karanasan sa PBL. Tumitibay at tumata-pang ang mga players dahil sa nakakasagupa nila ang mas maga-galing, mas matatangkad at mas matitikas na manlalaro.

Kitang-kita ang improvement sa laro ng Knights sa kasalukuyang NCAA tournament. May mga sitwasyong tila matatalo na ang Knights o malalayuan na sila ng kalaban subalit napapanatili nila ang compo-sure at nakakagawa ng magandang plays upang maisalba ang sitwasyon.

At kung coach din lang ang pag-uusapan, parehas na parehas din ang labanan. Kasi nga’y champion coach din naman si Louie Alas ng Letran. Bukod sa dalawang titulong naibigay niya sa Knights, naihatid din niya ang Manila Metro Stars sa titulo sa MBA at naging coach din siya ng Talk N Text sa PBA.

Lalong hindi pahuhuli si Baculi dahil minsan na siyang naituring na winningest coach sa PBL kung san nabigyan niya ng kampeonato ang Dazz, Hapee Toothpaste at Welcoat House Paints.

Tiyak na mapupuno ang Cuneta Astrodome sa Miyerkules. Unahan ang tao sa upuan!
* * *
BELATED birthday greetings sa aking pamangking si Nina Talapian na nagdiwang noong Sabado.

Show comments