Bentaheng 3-0 ang target ngayon ng Beermen sa pakikipagharap sa Phone Pals sa alas-7:30 ng gabing sagupaan sa pagpapatuloy ng championship series sa Ara-neta Coliseum.
Malaking inspirasyon sa San Miguel ang kanilang nakaraang 81-79 come-from-behind panalo sa Game-Two kung saan bumangon mula sa 20-point deficit ang Beermen.
Sa huling anim na segundo lamang natikman ng San Miguel ang kalamangan matapos ang layup ni Danny Ildefonso na naging susi ng kanilang tagumpay.
Ito ang nagbigay sa Beermen ng 2-0 kalamangan sa best-of-seven championship series matapos kunin ang Game-One sa 74-66 tagumpay sa likod ng pagbabalik laro ni Asi Taulava.
Ngunit delikado pa rin ang bentaheng ito dahil may karanasan na ang Beermen na nauunsiyami sa titulo kahit na makauna sila sa unang dalawang laro ng serye.
Sa huling apat na pagkakataong lumamang ng 2-0 ang San Miguel, nadiskaril sila ng dalawang beses at sa tatlong pagkakataong nabaon ang Phone Pals sa 0-2, dalawang beses nilang naitabla ang serye gaya ng nangyari noong 2003 All-Filipino Cup kung saan naungusan nila ang Coca-Cola para sa kanilang kauna-unahang titulo.
Ito ang kinakatakutang mangyari ni San Miguel coach Jong Uichico.
Umaasa si Uichico na hindi na mangyayari sa kanila ang nangyari sa Game-Two kung saan kinailangan nilang maghabol kaya naman umaasa itong ibubuhos nina import Ace Custis, Danny Ildefonso, Danny Seigle, Dorian Peña, Olsen Racela at Dondon Hontiveros ang lahat ng kanilang makakaya.
Sa panig ng Talk N Text, kung may ilalabas pa si Taulava ay ilabas na niyang lahat ngayon para di mabaon ng husto ang Phone Pals dahil sa kasaysayan ng basketball sa buong mundo, wala pang koponang nakakabangon sa 0-3 deficit para manalo ng titulo. (Ulat ni CVOchoa)