Tinalo ng 29 anyos na si Manalo si D. Singh Lilly ng India, 5-0, para sa kanyang ikalimang sunod na panalo sa Group 15. Si Manalo, ang tanging Pinoy na nakarating sa quarterfinals noong nakaraang taon, ay may dalawa pang nalalabing laban sa kanyang grupo ngunit nakasiguro ng upuan sa round of 64.
Samantala, kailangan pa nina defending champion Alex Pagulayan, Gandy Valle, Dennis Orcullo at Rodolfo Luat ng isa pang panalo sa kanilang huling dalawang laro para makasama si Manalo.
Kasalukuyang nangunguna si Pagulayan sa Group 1 na may 8 puntos ngunit kailangan pa ng isang panalo para maiwasan ang kumplikasyon sa pag-abante sa knockout phase. Tinalo ng 27 anyos na si Pagulayan si Charles Bryant ng USA, 5-0, at isinunod si Yulan Govender ng South Africa, 5-2.
Dalawang beses din nanaig si Valle, ang Singapore leg winner sa San Miguel Asian 9-Ball Tour, noong Lunes ng gabi para i-improve ang kanyang marka sa 4-1 sa Group 10. Umiskor ng magkatulad na 5-3 tagumpay si Valle laban kina John Schmidt ng USA at Andreas Roschkowsky ng Germany.
Hindi rin nagpahuli si Orcullo na nagposte ng magkatulad na 5-2 panalo kina Ben Davies ng Wales at Radoslaw Babica ng Poland para sa 4-1 marka sa Group 5.
Nasa magandang posisyon pa rin si Luat sa Group 2, habang nasa mahigpit na pakikipaglaban sina Warren Kiamco at Ronato Alcano para sa kani-kanilang grupo. Si Kiamco ay may hawak na 3-2 baraha para maka-tabla sa ikatlong puwesto sa Group 3 at nakikipaglaban naman sa ikaapat na uppuan si Alcano na may 2-3 record sa Group 12.
Hindi naman naging masuwerte sina Efren Bata Reyes, Francisco Django Bustamante at Antonio Nikoy Lining dahil nasa panganib pa rin sila ng maagang pag-uwi makaraang lumasap ng kabiguan.
Lumasap ng 2-5 pagkatalo si Reyes kay Roman Hybler ng Czech Republic sa Group 4 at kailangang manalo kay Tony Drago ng Malta at Mike Davis ng US sa pag-asang matalo naman si Kang Chin Ching ng Taiwan.
Higit pa rito, kailangang manalo ang 50 anyos na Pinoy legend ng mas maraming racks para sa tsansang makausad.
Binokya naman ni Tho-mas Engbert, 5-0 si Bustamante sa Group 7. Ang dating world number 1 na si Bustamante ay kasalukuyang humahawak ng 2-3 record.