Isang malaking katanungan ito sa Game-Two ng best-of-seven titular showdown ng Talk N Text at San Miguel sa Araneta Coliseum para sa korona ng PBA Gran Matador Fiesta Conference.
Pinayagan ng PBA si Taulava na maglaro sa finals ngunit hindi naram-daman ng San Miguel ang kanyang puwersa sa Game-One na halos dinomina ng Beermen tungo sa 74-66 panalo.
Sa kauna-unahang laro ni Taulava sapul nang masuspindi ito noong nakaraang kumperensiya, tumapos lamang ito ng walong puntos kaya hindi ito gaanong nakatulong sa Phone Pals.
Sinamantala ito ng San Miguel upang makopo ang 1-0 bentahe sa serye.
"This is not yet the time to celebrate. Malayo pa. But its always good to win Game One," pahayag ni coach Jong Uichico. "Asi played limited minutes. Siguro di pa sila nakaka-pag-adjust sa offense and thats why their rhythm is off."
Inaasahan ni Uichico na babawi si Taulava sa kanyang mahinang per-formance sa Game-Two ngayon na sisimulan sa dakong alas-6:40 ng gabi.
"After subsequent practice, Taulava will make a difference on Sunday. But if we sustain our good defense throughout the series, we will have a pretty good chance," ani Uichico.
Umaasa ang San Miguel mentor na muli niyang maaasahan ang kanilang import na si Ace Custis na naging susi sa huling tatlong panalo ng Beermen sapul nang dumating ito para palitan si Chriss Burgess.
Bukod kay Custis, naririyan din sina Danny Ildefonso, Dondon Hontiveros, Dorian Peña at Danny Seigle na inaasahang makakabalik na sa kanyang 100% paglalaro matapos magkaroon ng injury.
Hindi dapat umasa lamang ang Talk N Text kay Taulava kaya sigura-dong babawi din sina import Jerald Honeycutt, Jimmy Alapag, Mark Telan, Harvey Carrey at iba pa.
Tangka ng San Miguel ang ika-17th titulo sa 27 finals appearance sapul noong 1975 habang ikalawang titulo naman ang target ng Phone Pals, ikatlo kung isasama ang side tournament na Centennial Cup noong 1998. (Ulat ni CVOchoa)