Iisa lamang ang natiti-yak ng San Miguel Beer at ng Talk N Text. Kailangan nilang manalo ng apat na laro upang makuha ang titulo.
Alas-7:35 ng gabi nakatakda ang Game-One ng best-of-seven championship series sa Araneta Coliseum.
Ngunit bago ito, magsasagupa muna ang Red Bull at Shell sa alas-4:45 ng hapon para sa konsolasyong ikatlong puwesto matapos masibak ang mga ito sa semifinals.
Kapwa tinapos ng Beermen at ng Phone Pals ang kani-kanilang best-of-five semifinal series laban sa Barakos at Turbo Chargers sa 3-1 panalo-talo.
Ito ang kauna-unahang back-to-back finals appearance ng Talk N Text sa kasaysayan ng kanilang prangkisa nang manahin nila ang prangkisa ng Pepsi noong 1996 Commissioners Cup, ikatlo sa ilalim ni coach Joel Banal at ikalima sa kabuuan.
Tangka ng Talk Text ang kanilang ikalawang conference title para masundan ang 2003 All-Filipino Cup title at ikatlo kung isasama ang side-tournament ng Governors Cup na Centennial Cup noong 1998.
Nasa ika-siyam na finals appearance naman ang San Miguel sa ilalim ni coach Jong Uichico at 27th overall mula noong 1975.
Huling nasa finals ang Beermen noong 2003 kung saan natalo sila sa Coca-Cola sa Reinforced Conference at uhaw na sila sa titulo upang dagdagan ang kanilang koleksiyong 16-titles. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)