Ayon sa panukala, si Chot Reyes pa rin ang mamumuno sa pagpili at pagbuo ng mga koponan para sa international competition, at si Boycie Zamar ang mamumuno sa mga maglalaro sa SEABA. Saman-tala, nagmamadali kamakalawa ang pangulo ng FedEx / Airfreight 2100, Inc., na si Lito Alvarez upang pag-isahin ang mga grupo.
"Lahat naman, gustong tumulong," salaysay ni Alvarez. "Ngayon, mukhang may liwanag nang nakikita. Nag-uusap na ang dalawang panig."
Ang pinag-usapan (subalit di pa naaprubahan) ay ganito: magrerekomenda si Reyes ng mga player sa BAP, at pag-aaralan ng BAP ito, at isusumite sa POC para aprubahan. Sa ganitong paraan, kasali ang lahat.
Kung inyong magugunita, noong nakaraang linggo, tinangka ng Basketball Federation of the Philippines, Inc. (BFPI) na magdaos ng halalan ng mga opisyal. Subalit hindi ito natuloy sa kakulangan ng mga board resolution ng mga grupong umanoy bubuo ng BFPI. Sa madaling sabi, hindi pa handa ang lahat na paalisin ang BAP.
Samantala, nais ni Reyes umano na idagdag sina Jondan Salvador, Jay-R Reyes, Cesar Catli at Dennis Miranda sa koponang lalaban sa SEABA, upang lalong palakasin ito. Kung inyong matatandaan, ang mga point guard ng koponan na sina Egay Echavez at Dennis Madrid ay kinuha ng Ginebra at Purefoods sa PBA.
Umalis naman sina BJ Manalo, Jeff Bombeo at Christian Luanzon, kaya nabakante ang puwesto ng point guard.
Kung tunay mang magkakasundo na ang POC at BAP, magandang balita ito. Sana naman, tumigil na ang mga umangkas sa gulo na palakihin pa ito. Maraming sumakay: mga ibang NSA, mga dating opisyal na wala nang pumapansin, at maging ilang prominenteng miyembro ng media. Sana naman, ipakita nila ang tunay na katapa-ngan nila sa pag-amin na nagkamali sila ng kabayong pinustahan.
Gaya ng sinabi ng inyong lingkod, malabo talagang mapalitan ang BAP. Hanggang ngayon, siya pa rin ang kilala ng FIBA. Kahit gaano kalaki ang boses ng mga sumisigaw, ganoon talaga ang sitwas-yon. Ngayong kumilos na ang BAP na maglagay ng mga malalaking tao na gagabay sa kinabukasan nito, sanay tanggapin ng lahat na tapos na ang labanan.
At huwag nang magpalusot ang mga di-nakaintinding nagkamali ng banat.