Luat, Adam lumapit sa semis

Habang hirap ang mga bigatin sa kanilang pakikipaglaban, ang tila nakalimutang superstars naman ang nagbangon sa kulay ng bansa sa 5th Motolite Battle of Champions Philippine International Open 9-Ball Championship sa Robinson’s Galleria Trade Hall.

Nagposte ng magkatulad na 9-7 panalo sina Rodolfo Luat at Leonardo Andam laban sa kani-kanilang kalaban para manatiling walang talo at makalapit sa semifinals ng torneong hatid ng Motolite, Café Puro at Emperador Brandy.

Si Luat, ang huling nakapasok sa main draw, ay nanaig kay Johnny Archer ng US habang pinabagsak naman ni Andam si Chei Wei Fu ng Taiwan.

Habang kinakapos sa paghinga si Archer sa 7-8, ipinasok naman ni Luat ang ball 9 sa corner pocket sa pamamagitan ng carom shot sa pama-magitan ng green six gamit ang tiririt.

"Mukhang aksidente pero may pasok talaga ‘yung nine," ani Luat.

Ngunit hindi aksidente ito para sa player na kilala sa pool circuit bilang ‘Boy Samson" dahil sa kanyang malakas na breaks makaraang idispatsa ang reigning world champion na si Alex Pagulayan, 9-7 sa opening round na sinundan ng pagdimolisa sa kasalukuyang world No. 1 na si Neils Feijin, 9-4 sa sumunod na round.

Ngunit susunod na makakaharap ni Luat si Andam upang kunin ang isa sa dalawang upuan sa semis na nakataya sa winner’s side.

Ang matatalo sa nakatakdang all-Pinoy duel na ito ay may tsansa pa ring makapasok sa semis kontra naman sa makakalusot sa losers bracket.

Paglalaban naman nina Rodney Morris ng US at Yang Ching Shun ng Taiwan ang isang outright semifinals berth.

Binugbog ni Morris si Imram Majid ng United Kingdom, 9-6 habang dinurog ni Yang si Thomas Engert ng Germany, 9-5.

Sa losers’ draw, kapwa tinalo nina Efren ‘Bata’ Reyes at Mika Immonen ang kani-kanilang kalaban upang manatiling buhay ang tsansa sa torneong magkatuwang na inorganisa ng Puyat Sports at Solar Sports.

Naipaghiganti ni Reyes ang masaklap niyang kabiguan sa opening round kay Marcus Chamat nang pagtalsikin nito ang Swede, 9-3.

Sa kabilang dako, pinatalsik ni Immonen si Marlon Manalo, 9-3.

Show comments