Iginiya ni Baculi sa 68-50 panalo ang nagtatanggol na kampeong Philippine Christian University Dolphins laban sa San Beda Red Lions. Dinurog naman ng College of St. Benilde Blazers ni Garcia ang Jose Rizal University Heavy Bombers, 79-47.
Natural lang na kapwa nakadama ng pressure sina Baculi at Garia dahil sa bago sila sa NCAA. Ayon nga kay Baculi, siya lang ang rookie sa PCU dahil ngayon pa lang siya hahawak ng isang college team.
Si Baculi, na produkto ng Mapua Tech, ay hindi kailanman huma-wak ng koponan sa collegiate tournament. Sinimulan niya ang kanyang coaching career sa Lamoiyan franchise at tinulungang magkampeon sa Philippine Basketball League (PBL) ang Hapee Toothpaste.
Pagkatapos niyon ay hinawakan naman niya ang Welcoat House Paints na nabigyan din niya ng kung ilang kampeonato sa PBL.Nang mag-file ng leave of absence ang Welcoat ay pansamantalang hina-wakan niya ang Olongapo Volunteers sa MBA subalit nagsara ang liga. Bumalik siya sa PBL at hinawakang muli ang Dazz Dishwashing na napagkampeon niyang muli.
Sa kabilang dako, si Garcia ay produkto ng College of St. Benilde. Isa siyang shooter at kabilang siya sa unang koponang ipinasok ng Blazers sa NCAA.
Hindi gaanong nabigyan ng break si Garcia bilang manlalaro sa PBL kung kayat nang maghanap ng assistant coach si Leo Austria sa Shark Energy Drink ay siya ang nakuha nito. Pumayag naman siyang magretiro na lamang sa paglalaro at mag-concentrate sa coaching.
Nang lumipat si Austria sa Welcoat ay sumama siya dito. At nang umakyat si Austria sa PBA bilang head coach ng Shell Velocity ay naiwan si Garcia upang siyang humawak ng House Paint Masters.
Marami noon ang nagduda sa kakayahan ni Garcia dahil sa batam-bata siyang naging coach. Pero buong-buo ang tiwala ng pamunuan ng Welcoat sa kanya kahit pa nabigo ang Welcoat na makarating sa Finals sa kanyang unang torneo bilang head coach.
Sa ikalawang tournament niya bilang head coach ng House Paint Masters ay narating nila ang Finals subalit sumegunda lang sila sa Montaña Pawnshop. Pero nitong nakaraang buwan ay nabawian nila ang Jewelers na dinaig nila, 3-1 upang makopo ang kampeonato ng PBL Unity Cup.
Sa panalong iyon ay napabilang si Garcia sa tinatawag na Winners Circle. Kasi nga, lahat ng walong coaches sa NCAA senior division sa kasalukuyan ay pawang champion coaches. Si Garcia ang pinakabata sa kanila.
At base sa unang laro ng CSB Blazers, baka makapagtala ng Cinderella finish si Garcia sa NCAA!