Ayon kay National Training Director Michael Keon, nanggaling sa China para obserbahan ang ginagawang pagsasanay ng mga Chinese athletes pati ang pamamahala ng mga Chinese coaches, sa mga combat sports malakas ang tsansa ng mga Filipino na makasikwat ng gintong medalya sa 2005 Philippine SEA Games.
Ang mga combat sports na nakalinya sa nasabing biennial event ay ang wushu (22), kara-tedo (18), pencak silat (17), judo (16), taek-wondo (16), boxing (14), wrestling (12) at arnis (6).
Sa naturang mga combat sports, sinabi ni Keon na kayang-kaya ng mga Pinoy na makahirit ng 42 hanggang 58 gold medals patungo sa hinahangad na overall championship sa 2005 SEA Games.
Sa nakaraang edisyon ng SEA Games, kumolekta ang host Vietnam ng kabuuang 158 ginto para tanghaling overall champion kasunod ang 90 ng Thailand, 55 ng Indonesia at 48 ng Pilipinas.
Bukod sa 48 golds, nag-uwi rin ang mga Pinoy ng 54 silver at 75 bronze medals sa Viet-nam SEA Games na siyang mas mataas sa nasikwat na 30 golds, 66 silvers at 67 bronzes sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2001.
At para sa 2005 SEA Games, maglalahok ang Pilipinas ng kabuuang 812 atleta kasunod ang Indonesia (746), Thailand (734), Vietnam (696), Singapore (594), Malaysia (570), Myanmar (419), Cambodia (162), Laos (110) at ang bagong miyembrong East Timor (19).
Hangad ng Pilipinas na maangkin ang overall championship na halos mapasakamay na ng mga Pinoy noong 1991 Manila SEA Games nang humablot ng 91 ginto sa ilalim ng 92 ng nagharing Indonesia. (Ulat ni Russell Cadayona)