Sinorpresa ng Lady Stags ang defending champion na Tigress nang una silang magkita noong nakaraang buwan, 25-21, 25-22, 25-14, ang tagumpay na nagpabago sa anyo ng Recoletos-based team mula sa naghihikahos na koponan patungo sa pagiging title contender ngayong taon.
Nakapagposte na sila ng limang tagumpay laban sa isang talo para sa 6-1 baraha at isiguro ang puwesto sa semis, na isa pang round robin affair na nakatakda sa susunod na linggo.
Sa kabaligtaran, nagkumahog naman ang Tigress para makausad sa susunod na round (5-3) bagamat inaasahang makakatabla sila ngayon sa Lady Stags sa kanilang pang-alas-5 ng hapon na engkuwentro.
Inaasahang babandera sa kampanya ng San Sebastian sina Jennifer Bohawe, Cherry Macatangay at Charisse Ancheta na tatapatan naman nina Mary Jean Balse, Venus Bernal at Roxanne Pimentel ng UST.
Sa duelo ng napatalsik na koponan, maghaharap ang FEU (1-7) at Lyceum (0-9) sa ganap na alas-3 ng hapon.
Ang Ateneo (4-4) ang ikaapat na semifinalist sa torneong ito na hatid ng Shakeys Pizza at suportado ng Accel, Mikasa, IBC-13 at Jemah Television.
Ito ay ipapalabas bukas sa ganap na alas-7 ng gabi sa IBC-13, ayon sa organizing Sports Vision Management Group, Inc.