Karamihan sa mga koponang kasali ay halos walang pinagbago, kaya mahihirapan lalong malaman kung sino talaga ang aangat.
Alam ng kampeong Philippine Christian University Dolphins na sila ang hinahabol, at buo pa rin ang grupo. Nadagdagan pa ng kaalaman ang mga bida nilang sina Rob Sanz at Gabby Espinas dahil kasali sila sa Harbour Centre sa Philippine Basketball League. Subalit naninibago sila dahil bago ang kanilang coach na si Junel Baculi.
"Ang challenge para sa amin ngayon ay matutunan yung bagong sistema," sabi ni assistant coach George Longalong. "Dati, offensive team kami. Ngayon, tinuturuan kami ni coach Junel na maging defensive team."
Nawala si coach Ato Tolentino dahil sa isang di-pagka-kaunawaan sa Champions League, dahil hawak din niya ang University of Manila Hawks.
"Marami rin kaming natutunan sa PBL at RP pool," sabi ni Rob Sanz, na nagdala sa Dolphins kasama ng Rookie of the Year at Most Valuable Player na si Gabby Espinas. "It was really a big help for us."
Ayon sa mga Dolphin, ang Letran Knights pa rin ang dapat katakutan sa taong ito. Bagamat nawala na ang leading scorer ng Knights na si Ronjay Enrile, malalim ang Letran, at mas may karanasan. At siyempre, pinamumunuan ni Louie Alas.
"Kahit wala si Ronjay, Letran is a very experienced team," sabi ni PCU point guard Mon Retaga. "Dapat seryosohin sila. Mahirap na."
Samantala, ang pumangalawa noong 2004 na University of Perpetual Help ay kumpleto rin. Ang tanging idinarasal ni Bai Cristobal ay wala nang masaktan sa mga player niya.
"Wala naman kaming bago, e," sabi ni Cristobal. "I just hope na we can stay healthy and make it all the way, unlike last year."
Subalit lumakas ang Altas dahil nakapag-eensayo sila laban sa RP Cebuana Lhuillier team. Lalong tumindi ang shooting ng NCAA leading scorer na si Noy Javier. Kailangan lamang na makaiwas sa foul ang mga malalaki nitong sina Robert Barnson at Vladimir Joe, para mapakinabangan sila ng husto.
Ang iba pang balita tungkol sa NCAA sa Linggo.