Hindi inalintana ng 26-gulang na si Obosa, tubong Manaog, Pangasinan, ang walang tigil na pagbuhos ng ulan mula sa Candon hanggang sa makasaysayang bayang ito ng Ilocos Sur nang walang tigil niyang habulin ang four-man lead pack at kunin ang trangko para tapusin ang karera sa loob ng apat na oras, 42-minuto at 27-segundo.
"Last two kilometers hinabol ko na sila. Tapos last 1 1/2 km. nakadikit na ako," ani Obosa umangkin ng P10,000 stage prize.
Nakuha naman ni Orly Villanueva ng BIR Vat Riders ang stage runner-up na nahuli lamang ng isat kalahating gulong kay Obosa para sa P5,000 habang ang P3,000 third place ay kay Michael Reyes ng Colt 45.
Sa lakas ng hangin na dulot ng tabing dagat na ruta at tindi ng ulan sa halos limang bayan ng Ilocos Sur na dinaanan ng mga siklista, hindi ito nakaapekto sa mga frontrunners ng overall individual standings kung saan nangunguna pa rin sina Warren Davadilla ng Colt 45 kasunod ang 2004 Tour Pilipinas titlists na si Rhyan Tanguilig ng PLDT.
Sa ikalimang sunod na araw ay napanatili nina Davadilla at Tanguilig ang kanilang 1-2 positions kung saan nananatiling may 2.25 minutong distansiya ang defending champion na si Tanguilig laban sa 1998 Centennial Tour titlists na si Davadilla na may total time na 19-hours, 37-minutes at 51 seconds.
Hindi rin natinag si Rey-naldo Navarro ng Customs sa third place na may 2:50 minutong agwat kay Davadilla kasunod sina Alvin Benosa ng Touch Mobile (2:54), Fernando Alagano ng Metro Drug (3:16), Feliciano (3:34), 2003 Tour Champion Arnel Quirimit ng Tourism (4:06), Obosa (4:51), Stage 4 winner Lito Atilano (5:00) at Stage 1 winner at 2002 Tour of Calabarzon champion Santy Barnachea (5:11).
Matapos mamintina ang overall individual leadership sa ikaanim na sunod na araw, ang Stage 2 at 3 winner na si Davadilla pa rin ang magsusuot ng yellow jersey sa simula ng papahirap na yugto ng karera sa 217-Km Stage 7 na magsisimula sa bayang ito paakyat sa Ba-guio City na siyang susubok ng lakas at katatagan ng 81-siklistang kasali sa 10-stage 11-day PhilCycling sanctioned race na ito na hatid ng Tanduay Gold Rhum. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)