Aksiyon sa PBL Unity Cup simula na

Kung teknikalidad ang pag-uusapan, nasa Game 2 na ang best-of-five semifinals series ng Montaña Pawnshop at Granny Goose at Welcoat Paints vs Magnolia-FEU.

Dahil sa nakakahilong format, ibinigay ng Jewels at Paint Masters ang 1-0 advantage sa kani-kanilang semis series laban sa Snackmasters at Wizards, ayon sa pagkakasunod.

Parehong bitbit ang 1-0 lead, sasagupain ng Montaña ang Granny Goose ngayong alas-2 ng hapon samantalang haharapin naman ng Welcoat ang Magnolia-FEU sa alas-4 ng hapon sa pagpapatuloy ng PBL Unity Cup sa JCSGO Gym sa 15th Ave. Cubao, Quezon City.

Muling pangungunahan nina Arwind Santos, Denok Miranda, Mark Isip, RJ Rizada at Fil-American Kelly Williams ang Wizards laban kina Fil-Am Anthony Washington, Jojo Tangkay, Marvin Ortiguerra at Eugene Tan ng Welcoat.

Sapul nang dumating ang 6’7 na si Williams, nakapagkarga ang Wi-zards ni Koy Banal ng five game winning streak patungo sa semifinals.

Sa pambungad na aksiyon, pipilitin naman ng Jewels ni coach Robert Sison na maideretso sa tatlo ang kanilang pagdomina sa Snackmasters ni Jun Tan. (Ulat ni Russel Cadayona)

Show comments