NAGBABAGANG REALTORS

Malaking-malaki ang naging improvement ng Sta. Lucia Realty sa kasalukuyang PBA Fiesta Cup.

Kung noong nakaraang PBA Philippine Cup ay muntik na silang mangulelat, aba’y ngayon ay may twice to beat advan-tage sila kontra sa Shell Velocity sa ‘wild card’ phase na magsisimula sa isang linggo.

Nagtapos ang Realtors nang may 10-8 record sa classification round. Muntik na nga silang makasama ng Alaska Aces at San Miguel Beer sa ikalawang pwesto sa 11-7 record pero sinilat sila ng Turbo Chargers, 72-65 noong Mayo 20.

Marahil, ang pagkatalong iyon ang gagamiting motivational factor ni coach Alfrancis Chua sa pakikipagsagupa ng Realtors sa Turbo Chargers. Sasabihin ni Chua sa kanyang mga bata na kailangang mabawian nila ang tropa ni coach Leovino Austria.

Sa tutoo lang, papasok sa ‘wild card’ phase, malamang sa mababa ang morale ng Turbo Chargers dahil sa tinalo sila ng nangungulelat na Coca-Cola, 82-81 sa kanilang huling laro. Kung nagwagi kasi sila sa Shell Velocity, papanhik sana sila sa ikawalong puwesto at best-of-three ang papasukin nilang serye sa ‘wild card’ phase. Sa halip ay nagtabla sila ng Purefoods sa kartang 7-11 at mas maganda ang naging quotient ng Hotdogs.

Kaya naman kahit paano ay malaki ang psychological advantage ng Realtors laban sa Turbo Chargers. At hahangarin ni Chua na hindi na papormahin ang kalaban. Sa unang game pa lang ay pipilitin na nilang magwagi. Kasi, kapag binigyan pa nila ng pagkakataon ang Shell, baka masilat sila.

Sakaling dumeretso sa quarterfinals ang Realtors, medyo maganda rin ang kanilang magiging tsansa. Kasi nga’y tila kumbinsido na ang Realtors na kaya nilang mamayagpag ngayon kahit na hindi nakapaglalaro si Marlou Aquino na napakinabangan lang nila sa unang siyam na games ng classification round.

Biruin mong kahit na wala si Aquino ay nagawa ng Realtors na pumang-apat sa classification round.

Tumaas ang antas ng laro nina Kenneth Duremdes, Dennis Espino at Paolo Mendoza. Nagpakitang gilas din ang mga reserba ng team.

"Nagugulat din naman ako, e. Minsan, kapag tinitingnan ko ang players ko sa court, parang hindi mga kilala, e. Pero nagde-deliver sila kaya naman masaya kami," ani Chua. "Nais kong pasalamatan ang managament lalung-lalo na si Boss Buddy (Encarnado) dahil he never gave up on us. Lagi siyang nandiyan para pagsabihan ang mga players at igiya kami."

Pero siyempre, ang pinakamalaking dahilan kung bakit nasa ikaapat na puwesto ang Realtors ay ang pagdating ni Ryan Fletcher. Siya talaga ang kumarga sa team. Bagamat puti si Fletcher at karamihan ng import ay itim at mas malakas, aba’y mautak naman siya. Isa pa’y kabisado na niya ang laro sa PBA.

Kung ano ang hindi naibigay ni Fletcher sa kanyang dating koponang Barangay Ginebra, iyon naman ang nais niyang isakatuparan sa kampo ng Sta. Lucia Realty.

Show comments