Harbour Centre vs Welcoat

Papaakyat na ang laro ni Fil-Am cager Anthony Washington at tamang-tama lamang para sa Welcoat Paints sa kanilang nagdaan na dalawang laro kung saan kapwa dinaig ng Paints Masters ang kanilang kalaban.

At ito ang isang malaking problema ng Harbour Centre sa pagtatagpo ngayon ng dalawang koponan para sa ikalawang outright semifinals berth sa PBL Unity Cup sa Pasig Sports Center.

Ang 6’7 na si Washington ay may average na 19 puntos sa huling dalawang laro sa kanyang pagbangon mula sa hindi magandang performance sa mga nakaraang kabiguan na nagselyo sa Paint Masters ng playoff para sa ikalawang awtomatikong semis slot.

Ang laban ay nakatakda sa ganap na alas-4 ng hapon pagkatapos ng isa pang playoff match sa ganap na alas-2 ng hapon sa pagitan naman ng Toyota Otis-Letran at ng defending champion Magnolia Dairy Ice Cream kung saan kapwa umaasam ng ikalawang twice-to-beat incentives sa quarterfinal round.

Sa katunayan ang laban na ito ng Knights at Wizards ay simula ng kanilang best-of-three series dahil kahit anong kalabasan ng kanilang laban, sila pa rin ang nakatakdang magtagpo sa susunod na yugto ng torneo.

Ang Harbour Centre at Welcoat ay nagtapos sa elims ng makatabla sa ikalawang puwesto sa kanilang 8-3 baraha kung kaya’t kailangan ang playoff para sa No. 2 spot. Nagtapos din na magkatulad ang Knights at Wizards sa kanilang 6-5 record.

Inangkin ng Montaña Pawnshop ang unang puwesto sa maikli ngunit punumpuno ng aksiyon na elims sa kanilang 9-2 karta na nagbigay din sa kanila ng unang outright semis berth.

Ang talunan sa Welcoat at Harbour ay makakaharap ang Granny Goose Kornets sa quarters at kailangan lamang ng isang panalo para makasama ang Montaña sa semis.

Show comments