PUMUGAK ANG TURBO CHARGERS

Bakas sa tinig ni Shell Velocity head coach Leovino Austria ang panghihinayang sa puwede sanang naabot ng kanyang koponan sa classification round ng PBA Fiesta Cup.

Aba’y maganda ang naging simula ng Turbo Chargers at ito’y bunga ng matinding performance ng una nilang import na si Wesley Wilson. Ayon nga kay Austria, si Wilson ang siyang naging sukatan ng mga imports sa simula ng torneo at naka-tsamba talaga sila sa pagkuha dito.

Pero mahusay man sa hardcourt si Wilson, biglang lumitaw ang tunay niyang kulay na mapagsamantala sa sitwasyon. Nang makita niyang tila sinasamba siya ng Shell, aba’y nang-hingi nang nanghingi ng raise sa sweldo kahit habang naglalaro.

Natural na nakakapikon ang ginawang iyon ni Wilson kung kaya’t nasibak siya at sinubukan ng Shell ang seven-footer na si Melvin Robinson. Kaya lang ay palpak din ito kaya’t kinuha nila ang dating Alaska import na si Ajani Williams.

"Sayang. Pero kahit na magaling si Wilson, hindi namin pwedeng i-tolerate ang ginawa niya. Masisira naman ang image ng team," ani Austria.

At siyempre, sakaling pinagbigyan ng Turbo Chargers nang minsan si Wilson, wala iyong garantiya na hindi uulit ang pangungulit nito. Baka kada game ay humingi siya ng raise kundi ay tatamad-tamad siya o kaya’y magkakaroon kunwari ng injury. Para bang bawat game ay hino-hostage ng import ang Shell.

Sa tutoo lang, hindi din dominant type na import si Williams. Pero dahil sa napanood na ito ng Shell nong naglalaro pa ito sa Alaska Milk, okay na rin. Kumbaga’y ayaw na munang sumugal ng Shell sa isang baguhang hindi malinaw ang credentials at baka matanso pa sila. Mahirap nga namang sumugal lalo’t nasa homestrecth na ng classification round.

Sa kartang 7-10 ay may tsansa pa naman ang Turbo Chargers na makaiwas sa ikasiyam o ikasampung puwesto. Ito’y kung mana-nalo sila laban sa Coca-Cola sa kanilang huling game sa Huwebes at matatalo ang alinman sa Purefoods, Ginebra at Red Bull.

"Pwede pa naman kaming magtabla-tabla. Kung sakali, sana magkaroon pa ng playoff. Tanggap na namin ang nangyari sa amin ngayon pero hindi na pwedeng balikan iyon. Kailangang move forward na lang kami," ani Austria.

Hindi pa naman talaga "end of the world" para sa Turbo Chargers o kahit sa nangungulelat na Coca-Cola Tigers. Kahit pa matapos sila sa ikasiyam o ikasampung puwesto, may tsansa pa rin naman silang makausad tungong quarters. Mahirap nga lang dahil kakailanganin nilang talunin nang dalawang beses ang makakaharap nila sa "wild card" phase.

Kung noon, ang tinitingnan ng Shell ay ang makakuha ng auto-matic semis slot, ngayon ay survival na lang ang nasa isip ni Austria at ng mga bata niya.

Malampasan kaya nila ang krisis?

Show comments