Lumalakas ang ugong na si Robert Jaworski na raw ang susunod na commissioner ng PSC o ng Philippine Sports Commission. Pero sabi nila, napakaganda raw kasi ng ginagawa ngayon ni acting Com. William Ramirez na wala ng dahilan para siya ay palitan pa.
May nakapagsabi sa aming aminado rin si Jawo mismo na maganda ang ginagawang trabaho so far ni Ramirez, so bakit pa nga naman siya papalitan.
Pero alam nyo ba na may mas malakas pang ugong na umuugong pa at malamang dadagundong na in the next days to come.
Si Robert Jaworski na raw ang magiging susunod na commissioner ng PBA. Opo, ng PBA, o ng Philippine Basketball Association.
Sabi nga nung mga nakakarinig na ng tsismis na ito, aba, si Jawo, PBA Commissioner WHY NOT?
Nung naglalaro pa si Jawo para sa Toyota Tamaraws kalaban ang Crispa Redmanizers, hanggang sa maging playing coach na siya ng Toyota, and then, Ginebra San Miguel, alam nating yan ang pinakamatinding punto kung saan naging napakasikat ng PBA. Walang katulad na kasikatan.
Noon, laging puno ang Araneta Coliseum.
Noon, pag may laro ang Ginebra, nagkukumahog ang Channel 2 at Channel 7 dahil di nila alam kung ano ang itatapat nila sa PBA games dahil halos lahat ng tao, sa PBA nanonood.
Ngayon, pansinin nyo kung mayroon pang interes ang mga tao sa PBA.
Halos wala na, Im sorry to say, baka may mag-react na naman dyan.
Ngayon, di na favorite topic ng mga tambay ang basketball. Dati, yan ang laging laman ng mga usapan sa barberya, sa parlor, sa tambayan, sa eskuwela, sa kahit saan.
Ngayon, ang mga tao, para bang walang pakialam kung ano ang resulta ng laro kagabi. O kung saan na ba naglalaro si ganitong player o si ganung player.
Dati, sangkaterba ang fans club sa PBA. Kaliwat kanan, tilian ang mga fans. Pati ticket sa PBA games, in demand na in demand.
Noon, nabubuhay ang mga sports magazines tulad ng Sports Flash, Scoreboard, Sports Life, Sports Times, Sports World at isa pang dosenang sports magazines sa mga fans na naghahanap ng mga posters at balita tungkol sa mga idolo nila sa basketball. Ngayon, sa paghina ng basketball at sa pagkawala ng mga bagong idolo sa basketball, nangamatay na rin lahat ang mga sports magazines na yan.
Kawawa naman ang mga publisher at editors at sportswriters sa mga magazines na yan, tuluyan na ring nangawala sa paghina ng basketball sa ating bansa.
Ngayon, masakit mang tanggapin, mas hinahagilap pa at mas sky rocketing pa ang presyo ng tickets sa UAAP games tulad ng Ateneo-La Salle, o La Salle -FEU.
Kung tsismis man itong nasagap namin mula sa isang very reliable source, sana po, tutuo!
Sana nga tutuong-tutuo...