Sinimulan ng first-timer na si Arthuro Rendoge ang pananalasa ng Puerto Princesa City-C sa tournament na ito na inorganisa ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) at suportado ng city government ng Puerto Princesa sa ilalim ni Mayor Edward S. Hagedorn at Kagawad Roger Castro, nang kanyang igupo si Adwin Abawag ng Samar, 12-5, sa School Boys pinweight (45 kgs) division.
Ito ang naging mitsa ng eksplosibong pagbubukas ng kampanya ng host team na hindi nakasali sa national noong nakaraang taon ngunit nakabawi ngayon sa torneong ito na may 25 participating teams na binubuo ng 55 boxers.
Pinabagsak ni Rendoge si Abawag sa kanyang malulutong na right straights sa panga na nagpuwersa sa referee na bigyan ang Samareno ng standing eight-counts sa second at third rounds.
Pinagbigyan naman ni Lorenz Tesorio, isang incoming freshman sa Sicsican High School at kumakatawan din ng Team Puerto Princesa-C, ng isang puntos lamang si Dexter Dulnuan ng Baguio City kontra sa kanyang 15 upang makasulong sa susunod na round ng Kids 28-kg division.
Tanging ang bronze medalist na si Jeolan Bonghayong ang nanalo sa Panabo City nang kanyang pabagsakin si Marvin Antipuesto ng Puerto Princesa-D sa first round ng School Boys light mosquito category.