Jawo at Fernandez

Sa pag-asang muling buksan ang isa na namang kabanata ng kanilang partnership, hinugot ng living legend ng basketball na si Robert Jaworski si four-time PBA Most Valuable Player Ramon Fernandez upang pamunuan ang TM Greats Team sa PBA Greatest Game sa May 28.

Si Jaworski, na kinatawan ng kanyang matagal nang kaibigan at associate na si Sam Unera, ay kumuha kay Fernandez bilang first pick sa draft kahapon sa EDSA Shangri-La Plaza Hotel na dinaluhan din ni TM Legends Team coach Baby Dalupan habang si PBA commissioner Noli Eala naman ang presiding officer.

Kinuha naman ni Dalupan, ang winningest coach sa kasaysayan ng PBA ang isa pang four-time winner ng MVP trophy na si Alvin Patrimonio, mula sa 25 Greatest PBA Players na maglalaban-laban sa once-in-a-lifetime event na hatid ng TM, Ang Bagong Touch Mobile sa Araneta Coliseum.

Makakasama ni Fernandez at Jaworski para sa TM Greats ang kanilang dating Toyota teammates na sina Francis Arnaiz at Danny Florencio, na hindi nakasama sa Reunion game noong 2003.

Sinabi ni Unera na nais ni Big J na makasama sa kanyang koponan sina Johnny Abarrientos at Kenneth Duremdes at inaprobahan naman ito.

Ang iba pang kasama sa TM Greats ay sina Manny Paner, Lim Eng Beng, Benjie Paras, Samboy Lim, Ato Agustin at Ronnie Magsanoc.

Bukod kay Patrimonio, kasama naman sa TM Legends sina William Adornado, Atoy Co, Freddie Hubalde at Philip Cezar, mga dating Crispa stalwarts na determinadong gumanti sa kanilang mga Toyota counterparts.

Sina Abet Guidaben at Bernie Fabiosa, ang dalawa pang Redmanizers stars ay nasa United States at malabo pang makalaro.

Hiniling din ni Dalupan sina Jerry Codiñera at Allan Caidic at napagbigyan din ito.

Ang iba pang napunta sa TM Legends ay sina Jojo Lastimosa, Vergel Meneses at Hector Calma.

Show comments